Nabalian ng buto sa braso ang isang lalaki matapos mahulog mula sa puno ng santol na kaniyang inakyat para kumuha ng bunga na ibibigay sana sa naglilihi niyang kinakasama sa Calasaio, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang lalaki na si Jun Rey Lagro, 22-anyos, ng Barangay Macabito.
Dahil sa tindi ng pagkakabagsak mula sa puno, naospital si Lagro dahil sa tinamong bali ng buto sa braso at nagkaroon ng pamumuo ng dugo kaya kailangan siyang operahan.
Ayon kay Sharmaine Malindog, kinakasama ni Lagro, siya ang humiling na ikuha siya ng santos dahil sa kaniyang paglilihi.
Pababa na raw si Lagro nang matapakan nito ang isang sanga na nabali kaya ito nahulog.
Pero dahil sa kahirapan sa buhay, nanawagan si Malindog na matulungan sana sila sa operasyon ni Lagro na kailangan ng "bakal" para sa nabaling buto sa braso.
"Nanawagan po ako kung puwede akong matulungan sa pagbili po ng bakal kasi nga po wala kaming kapera-pera," hiling ni Malindog.--FRJ, GMA News