Hindi akalain ng may-ari ng isang inahing kambing na magluluwal ng anak ang kaniyang alaga na walo ang paa sa Sta. Catalina, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabi ni Regucera Rancho, ng Barangay Cabuloan, na pangalawang anak na ng kambing ang iniluwal na walo ang paa.
PAMBIHIRA: Baka na dalawa ang ulo, buhay na isinilang sa North Macedonia
Nagtaka raw siya nang makita ang apat na paa ang unang lumabas sa batang kambing na isa ang ulo, dalawa ang katawan, dalawa ang kasarian, at walo ang paa.
Ayon kay Dr. Celso Gao-Ay, ng Ilocos Sur Provincial Veterinarian, dalawa sana ang kambing na hindi naghiwalay habang nasa sinapupunan.
"Ibig sabihin, dalawa sana ang magiging kahihitnatnan o resulta pero nag-fuse. So, hindi naghiwalay, siamese twin ang tawag diyan," paliwanag niya.
Marami raw ang posibleng dahilan ng "anomaly" na nangyari sa kambing tulad ng genetic o side effect ng kemikal.
Patay na raw nang lumabas ang kambing at kaagad na inilibing ni Rancho.--FRJ, GMA News