Dobleng dagok sa buhay ang naranasan ng isang pamilya sa Urbiztondo, Pangasinan na habang pinaglalamayan ang kanilang padre de pamilya ay nasunog pa ang kanilang bahay.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabi ng anak na si Karl Alcaide, na Abril 13 nang pumanaw ang kanilang ama dahil sa high blood.
Nasa ikaanim na araw na sila ng lamay nang mangyari sunog sa kanilang bahay sa Barangay Angatel dahil sa napabayaang kandila.
Halos walang naisalbang gamit ang pamilya dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy sa bahay na gawa sa light material.
Hindi naman nadamay ang bangkay ng padre de pamilya dahil nasa labas ito ng bahay.
Problemado ngayon ang pamilya kung papaano sila magsisimulang muli kaya humihingi ng tulong ang kanilang ilaw ng tahanan.
"Namatayan na po ako ng asawa tapos yung bahay pa po namin nasunog pa po. Hindi ko po alam kung saan po kukuha ng pampinasyal," panawagan ng ginang. --FRJ, GMA News