Sinita umano ng mga pulis ang community pantry ng isang grupo ng mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon at pinaalis sa puwesto dahil magiging sanhi umano ito ng pagkumpol-kumpol ng mga tao.
Naglagay ng community pantry ang Tadhana Community Farmers Association sa Lucena City -- halaw sa ideya ng mga pantry na nagsulputan sa iba't ibang lugar sa bansa -- na namamahagi ng mga gulay at mga pagkain bilang tulong sa mga nangangailangan sa panahon ng pandemya.
Matatandaang nagsimula ang ganitong inisyatiba ng Maginhawa St. community pantry sa Quezon City.
Ayon sa Tadhana, noong Martes ay nakapuwesto sila sa tapat ng isang restaurant sa Quezon Avenue sa Lucena City matapos payagan ng may-ari ng kainan na pupwesto sila doon.
Humingi din humingi din umano ng permiso sa Quezon IATF on COVID-19 at pinayagan din daw sila.
Dagdag pa ng grupo, tiniyak din umano nila na masusunod ng health protocols.
Ngunit, nilapitan umano sila ng mga pulis noong Martes --matapos ang isang oras na pamamahagi ng mga gulay -- at sinita ang grupo.
Pahayag ni Efrelyn Escultura ng Tadhana Community Farmers Association, sinabihan daw sila ng mga pulis na bawal sa Quezon Avenue ng Lucena City.
Hindi rin daw nakipag-coordinate sa kanila ang grupo at hiningian sila ng permit.
Nakiusap umano ang grupo na patapusin nalang muna sila ng pamamahagi at aalis na. Subalit tumanggi ang mga pulis.
Nagbanta pa raw ang mga ito na kukumpiskahin ang mga gulay kung kaya’t napilitan silang umalis.
Pero, ayon kay Police Colonel Romulo Albacea, chief of Police ng Lucena City, hindi nila hinanapan ng permit ang grupo. Sinita sila dahil nasa gitna sila ng siyudad na isang business zone at laging maraming tao sa lugar kung kaya’t mabilis magsisiksikan kung magkakaroon ng sagabal.
Dagdag pa, hindi narin daw nasusunod ang social distancing ng mga taong pumila sa community pantry.
Pahayag ni Albacea, mas makakabuti raw kung magsadya nalang ang grupo sa mga barangay o lugar na maraming nangangailangan.
Handa raw na tumulong ang kanilang tanggapan sa pamamahagi ng tulong. Pwede rin daw magpahiram ang PNP ng sasakyan na magagamit ng grupo sa pagdadala ng tulong sa barangay.
Ibinalot nalang ng Tadhana ang mga gulay at nag-ikot nalang sila sa Lucena City upang mamahagi. —LBG, GMA News