Naghihimutok ang mga kaanak ng isang lalaking nakaratay sa isang ospital sa Nueva Ecija nang malaman nilang nag-utos ang kanilang punong barangay na lumikom na ng "abuloy" para sa pasyente gayung buhay na buhay pa ito.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabi ng mga kaanak na nasa ospital ng kanilang padre de pamilya na si Feliciano Fausto, ng Barangay Baybayabas, Talugtug, Nueva Ecija, dahil sa sakit ito sa bato.
Sa video, makikita si Fausto na nakakatayo at nakalalakad pa habang nasa ospital.
Pero ayon kay Nely Fausto-Pangyarihan, anak ng pasyente, kumalat sa kanilang barangay na patay na ang kaniyang ama dahil sa ipinanghihingi na ito ng abuloy na utos umano ng kanilang punong barangay.
"Nakakagalit po, masakit na masakit sa kalooban namin. Buhay pa po ang tatay namin inuutos na ng barangay captain namin na kumuha na ng abuloy," saad ni Nely na nais magsampa ng reklamo laban sa ginawa ng kanilang barangay official.
Iniutos umano ng punong barangay na si Nelia Garillo, na mangalap na ng abuloy nang may nakarating umanong impormasyon sa kanilang tanggapan tungkol sa kalagayan ng pasyente.
Gayunman, aminado sila sa pagkukulang na alamin kung totoo ang natanggap na impormasyon.
"Ang ginagawa namin, may kaunting contribution sila na hindi naman 'yan pinipilit. May association dito sa barangay namin sa mga senior citizen kung halimbawa may namatay, may tulong na tig-P100," anang kapitana.
Ibabalik umano sa mga kabarangay ang nalikom na abuloy.
Hinikayat naman ng Municipal Local Government Operation Office ang pamilya Fausto na magpunta sa kanilang tanggapan at opisyal na magsampa ng reklamo laban sa opisyal ng barangay na nag-utos na mangolekta ang abuloy sa taong buhay pa.--FRJ, GMA News