Arestado ang isang lalaki matapos niyang i-post sa social media para ibenta ang isang mamahaling bisikleta na una nang ini-report na ninakaw sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Wilven Punsalan, residente ng Barangay Talibaew.

Ibinebenta umano ni Punsalan ang bisikleta sa halagang P20,000.

Ayon kay Police Lieutenant Ferdinand de Asis, hepe ng Calasiao Police, isang  undercover cop ang nagkunwaring interesadong bumili ng piyesa ng bisikleta na ipinost ni Punsalan sa social media.

Nang pumayag si Punsalan na makipagkita, doon na siya inaresto ng mga awtoridad.

May nakuha rin umanong tatlong sachet ng shabu sa suspek.

Itinaggi naman ni Punsalan na siya ang nagnakaw ng bisikleta pero inamin niyang siya ang nag-post nito sa social media para ibenta.

Naibalik na sa tunay na may-ari ang bisikleta.--FRJ, GMA News