Nabiktima ng palit-pera modus ang isang kahera ng department store sa Pagadian City. Ang salarin, nakatangay ng P10,000.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng CCTV ang suspek na may hawak na pera.
Base sa salaysay ng kahera, may hawak ang lalaki ng tig-P100 na nagkakahalaga ng P23,000, at gusto raw ipapalit ng buong tig-P1,000.
Binilang ng kahera ang pera sa harap ng salarin, at tumulong pa kunwari ito sa pagbibilang.
Ilang saglit ang lumipas, ibinalik ng suspek ang pera dahil gusto na raw niyang ipapalit na lang ng tig-P20 ang kaniyang pera.
Ngunit ang hindi alam ng kahera, pasimple nang binawasan ng salarin ng P10,000 ang ipinapaplit ng tig-P1,000 na kaniyang ibinalik.
Dahil walang pamalit na tig-P20 ang kahera, muling kinuha ng salarin ang kaniyang pera at agad umalis.
Naniniwala ang pulisya na may mga kasabwat ang lalaki, at inaalam na ang kaniyang pagkakakilanlan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News