Umamin ang isang kaanak ng pamilyang minasaker sa Bacolod City na nasaksihan niya ang kadumal-dumal na krimen, na kabilang sa mga biktima ay isang bata.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang naarestong suspek na si Christian Tulot.

Itinuro niyang pumatay sa mga biktima ang kamag-anak din nila na si Joel Espinosa at isang Alyas Bro.

Nagtalo umano sina Alias Bro at isa sa mga biktima na si Michael Espinosa dahil sa utang na nauwi sa pagpatay kay Michael, sa ina nito, at batang anak, at isa nilang tiyahin.

Iginiit ni Tulot na hindi siya kasama sa pagpatay sa mga biktima pero inamin niyang pinigilan niya ang tiyahin nang magtangka itong humingi ng tulong.

Wala raw siyang magawa dahil tinutukan siya ng patalim ng kaanak na si Joel,na nasa kostudiya na rin ng mga awtoridad.

Dahil dito, itinuring na ring suspek si Tulot, bukod pa sa iligal na droga na nakuha sa kaniya.

Patuloy naman na inaalam ang pagkakakilanlan ni Alias Bro.--FRJ, GMA News