KALIBO, Aklan —Kasalukuyang naka-confine ang dalawang nurse at isang security guard sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital matapos masugatan sa pagwawala ng isang pasyente noong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Police Lt. Colonel Belshazzar Villanoche, iniimbestigahan pa ng mga pulis kung ano ang dahilan ng pagwawala ng suspek na si Roberto Gregorio.
Ginamit diumano ni Gregorio ang isang PVC pipe para ipanghambalos sa mga biktima.
Dinala sa hospital si Gregorio may isang lingo na ang nakararaan matapos maging biktima ng pananaga sa bayan ng Altavas.
Pahayag ni Villanoche, inawat lamang ng mga biktima ang suspek dahil sa pagwawala nito.
Bukod sa panghambalos ng PVC pipe, nagawa rin umano ni Gregorio na kagatin sa balikat ang isang guwardiya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Kalibo Police sa insidente. —LBG, GMA News