Nakuha na umano ng General Trias City Police ang death certificate ng lalaking dinakip dahil sa paglabag sa curfew at pumanaw kinalaunan. Ang biktima, pinag-pumping exercise umano na umabot ng 300 beses bilang parusa, bagay na itinanggi naman ng hepe ng pulisya ng lungsod.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Marlo Solero, hepe ng General Trias City Police, ilalabas niya sa publiko ang sanhi ng pagkamatay ng biktima kapag nakakuha na siya ng pahintulot sa kaniyang mga opisyal.
“Meron na rin ho kaming hawak na death certificate galing na rin ho sa ospital,” ani Solero.
Pumanaw ang biktimang si Darren Peñaredondo, 28-anyos nitong Sabado sa ospital, halos dalawang araw matapos siyang arestuhin noong Huwebes ng gabi dahil sa paglabag sa curfew para bumili ng inuming tubig.
Ayon kay Reichelyn Balce, live-in partner ng biktima, barangay tanod ang umaresto kay Peñaredondo at dinala ito sa General Trias Police Station.
Ngunit pag-uwi sa bahay kinabukasan [Biyernes], hirap na itong maglakad dahil umano sa parusang pumping exercises na 100 ulit sa mga lumabag sa curfew.
Pero umabot daw sa 300 ang naturang parusa dahil hindi sabay-sabay ang mga pinaparusahan.
Ayon kay Balce, mahina ang puso ni Peñaredondo kaya hindi lahat ay dapat na parusahan ng exercise at sa halip ay ibang parusa na lang tulad ng community service.
Nang araw ding iyon ng Biyernes, lalo pang sumama ang kondisyon ng biktima hanggang sa mawalan na ng malay kaya dinala na sa ospital at pumanaw nitong Sabado.
Pero itinanggi ni Solero ang alegasyon na kasama ang physical exercise sa parusang ibinibigay nila sa mga lumalabag sa curfew.
"Wala po kaming ipinapagawang ganun. Before sila i-turnover sa respective barangay nila minsan pinagliinis namin dito sa harap ng munisipyo, sa harap ng police station na magpulot ng mga basura as part of community service," paliwanag niya sa ulat ng GTV "Balitanghali."
"'Yon lang po. Wala kaming physical exercise na ipinapagawa sa kanila," giit ng opisyal.
Nitong Martes, iniutos ni Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya na imbestigahan ang pagkamatay ng biktima.
Ayon kay Malaya, dapat managot ang mga pulis kung mapapatunayan na may pananagutan sila sa pagkamatay ni Peñaredondo.--FRJ, GMA News