Nasawi ang isang truck driver matapos na tumagilid ang minamaneho nitong sasakyan sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Lucban, Quezon.
Batay sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, may kargang semento ang truck nang bumaligtad ito sa bypass road.
Lumabas sa imbestigasyon na dahil sa bilis ng pagpapatakbo ng driver, nawalan siya ng kontrol pagdating sa pakurbang bahagi ng kalye.
Nakaligtas naman ang pahinante ng truck nang makalabas agad sa bintana.
Samantala, sa Koronadal City, South Cotabato, tumilapon ang mga sakay ng isang motorsiklo matapos itong magpang-abot sa isang kotse sa intersection sa Barangay San Jose.
Agad namang tinulungan ng mga tao at barangay tanod ang mga sakay ng motorsiklo at itinakbo sa pagamutan.
Sumuko sa pulisya ang driver ng kotse.
Sa Aguinaldo, Ifugao naman, tumagilid ang isang bus sa may bahagi ng national road matapos na hindi kumagat ang preno nito, ayon sa pulisya.
Sa kabutihang palad, nakaligtas at hindi nasugatan ang driver at lima pang sakay ng bus.
Nagtulungan ang mga residente at pulisya para maitayo ang tumagilid na sasakyan.—Jamil Santos/AOL, GMA News