Nakunan sa CCTV ang ginawang pagtangay sa cellphone ng isang babaeng tumataya sa lotto sa Zamboanga City. Ang mga salarin, tumakas sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita ang pagtigil ng dalawang motorsiklo sa tapat ng isang lotto outlet sa Guwan Brgy. Council,  kung saan tumataya ang isang babae.

Bumaba ang angkas sa isang motorsiklo at lumapit sa babae na abala sa pagtaya at mabilis na sinikwat ang kaniyang cellphone nang hindi niya agad namalayan.

Kaagad na sumakay sa motorsiklo ang salarin at tumakas.

Hindi naplakahan ang ginamit na motorsiklo ng mga salarin.

Idinulog na sa barangay ang pangyayari kung saan magsisilbing ebidensya ang CCTV footage sa isasampang reklamo sa mga tinutugis na salarin. --Jamil Santos/FRJ, GMA News