BORACAY ISLAND —Biglang lomobo ang bilang ng mga residenteng may COVID- 19 sa isla ng Boracay na hindi inaasahan.
Ipinag-utos ni Malay acting Mayor Floribar Bautista ang pag-lockdown ng Zones 5 at 6 ng Barangay Balabag, mula March 28 ng hating gabi hanggang April 10.
Kasunod din ang pagpapalabas ng advisory ni Bautista para sa mahigpit na pagpatutupad sa ilang health protocols.
Sa ilalim ng mga local na ordinansa, ipinagbabawal ang operasyon ng food parks na may entertainment at live bands, at mga restaurant na may live bands at organized parties.
Para sa mga turistang naka-accomodate sa Barangay Balabag, kailangang palagi nilang dalhin ang kanilang negative na RT PCR test na dokumento.
Kailangan din ang paglipat sa mga turista mula sa mga hotel na apektado ng lockdown; at dapat ipresenta nila ang kanilang negative RT PCR test sa pagpasok sa mga establisyemento kung kinakailangan.
Ayon kay Bautista, sa gitna ng patuloy na pagdami ng COVID-19 sa Boracay, patuloy pa ring bukas ang isla sa mga turistang nais mag-enjoy rito.
Base sa tala ng Municipal Health Office, umabot na sa 80 ang kabuuang bilang ng COVID-19 case sa buong Malay. Sa bilang na ito, 65 ay galing sa tatlong barangay ng Boracay.
Hanggang nitong ika-28 ng Marso, ang lahat ng aktibong kaso ay galing sa Boracay, habang ang iba ay naka recover na.
Samantala, isa ang naitalang namatay sa bayan ng Malay, Aklan. —LBG, GMA News