Halos matusta na nang makita ng mga awtoridad ang bangkay ng isang 63-anyos na guro sa Sto Domingo, Nueva Ecija. Ang biktima, pinalo umano ng kahoy sa ulo at sinunog ng kaniyang dating estudyante.

Sa ulat ni Marjorie Padua sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Rolando dela Cruz, residente ng San Alejandro Quezon sa nabanggit na lalawigan.

Nakita ang sunog niyang bangkay sa gilid lang ng San Pascual Elemetary School.

Sumuko naman sa mga awtoridad ang suspek na si Joebert Camrot, 20-anyos ng Barangay San Pascual, na nakonsensiya raw sa kaniyang ginawa.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na naglalaro si Camrot sa kaniyang cellphone nang dumating ang umano'y nakainom na si Dela Cruz at binatukan ang suspek.

Sa galit ni Camrot, kumuha ito ng kahoy at pinalo sa ulo ang biktima at bumulagta.

Kasunod nito, kumuha ng mga tuyong dahon si Camrot sa gilid ng paaralan at saka sinilaban kasama ang katawan ng biktima.

Ikinuwento umano ng suspek sa isang kaanak ang ginawa niyang krimen at pinayuhan siyang sumuko sa mga awtoridad.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa reklamong murder. Sinisikap naman pang makuha ang panig ng kaanak ng biktima--FRJ, GMA News