PAGBILAO, Quezon - Hanggang ngayon ay lutang pa rin at hindi makapaniwala si Jeremiah Lim na mas kilala sa pangalang Jhong matapos siyang makapasa at mag-top 1 pa sa Physician Licensure Examination.
Nalaman ni Jhong ang resulta Biyernes ng gabi.
Nakapagtamo si Jhong ng gradong 89.67 sa Physician Licensure Examination at nanguna sa 1,234 medical graduates na pumasa sa nasabing exam na ibinigay nitong Marso sa Maynila, Baguio, Cagayan De Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legazpi, Lucena, Tacloban, Tuguegarao at Zamboanga.
Ipinanganak at lumaki sa Pagbilao, Quezon si Jhong. Dito rin siya nag-aral ng elementary hanggang high school. Nagpasiya siyang mag-aral sa Maynila noong mag-kolehiyo at nagtapos ng cum laude sa Far Eastern University.
Mula sa simpleng pamilya si Jhong at tanging bakery lang ang pinagkakakitaan ng kanilang pamilya matapos masunugan ng bahay noon.
Nagtulong-tulong daw ang pamilya at mga kamag-anak ni Jhong upang siya ay mapagtapos ng kursong medisina.
Kuwento ni Jhong, malaki ang naging epekto ng pandemya sa kanyang pag-aaral o pagre-review. Nahirapan daw siya mentally subalit nalampasan niya ito. Hindi raw niya inaasahan na magta-top 1 siya.
Mula sa kanilang tahanan sa Pagbilao ay araw-araw siya bumibiyahe sakay ng tricycle papunta sa Lucena City upang mag-review.
Ayon kay Jhong, plano daw niyang mag-apply sa pampublikong pagamutan partikular sa Philippine General Hospital. Nais din daw niyang muling mag-aral upang lalong matuto. Sa kanilang bayan daw ng Pagbilao niya gustong mag-alay ng kanyang serbisyo sa mga darating na panahon.
Panawagan ni Doc Jhong, sana raw ay magkaisa at magtulungan ang lahat ngayong panahon ng pandemya. Magsimula raw sana sa ating mga sarili ang disiplina.
Hinikayat din ni Doc Jhong ang lahat na huwag matakot sa bakuna at tanggapin ito. Nalulungkot daw si Doc Jhong na maraming kababayan natin ang hindi naniniwala sa COVID-19. Minsan daw ay sinasabi pa na pinagkakakitaan lang daw ng mga doktor ang COVID-19. Lahat nang ito ay hindi raw totoo.
Masayang masaya rin ang mga magulang ni Doc Jhong. Halos mapaluha pa si Mang Elmer Lim nang makausap ng GMA News. Nagpapasalamat daw sila sa biyaya ng Panginoong Maykapal.
Sa ngayon daw ay hindi pa tumatawag kay Doc Jhong ang kanyang paaralan.
Halos mapuno daw ang inbox ng Messenger ni Doc Jhong sa dami ng bumabati. —KG, GMA News