Isang AUV ang nahulog at isa pang sasakyan ang naiwang nakalambitin sa gilid ng gumuhong bahagi ng lupa malapit sa isang paaralan sa Banaue, Ifugao nitong Biyernes ng umaga.

Sinasabing nangyari ang landslide malapit sa Kinakin Elementary School bunga umano ng mga pag-ulan na naranasan sa lalawigan nitong nakaraang mga araw.

Kapwa wala namang tao o sakay sa loob ng nahulog na AUV, at maging sa nakabitin na kotse kaya walang nasaktan sa insidente.

Isang bahay din sa ibaba ang napinsala matapos itong daanan ng lupang gumuho.

Nakaligtas din ang mga taong nakatira sa naturang bahay.

Ayon sa ilang residente, sinabihan nila ang engineer ng Department of Education na gumawa ng riprap na may crack na ang isang parte nito subalit itinuloy pa rin daw ang konstruksiyon.

Nanawagan ang mga residente na agarang maayos ang lugar upang hindi na lumaki ang pagguho at hindi madamay ang gusali ng paaralan. --Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News