BORACAY ISLAND, Aklan —Binabalak umano ni Environment Secretary Roy Cimatu na hihirit pa ng isang-taong extension kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa rehabilitasyon ng isla ng Boracay.

Pahayag ni Cimatu, labis na na-delay ang kanilang isinagawang rehabilitasyon sa dahil sa COVID-19 pandemic.

Nasa Boracay si Cimatu upang pangunahan ang meeting sa planong pagpapatuloy ng rehabilitasyon sa Boracay.

Base sa batas na pimnirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, magtatapos na dapat ang termino ng task force para sa rehabilitasyon ng Boracay sa darating na Mayo.

Ilan lamang sa mga nais pang gawin ni Cimatu ay ang paglalagay ng housing unit sa Malay para sa mga worker ng Boracay.

Plano rin umano ni Cimatu na paalisin ang mga iilan pang illegal settlers doon. —LBG, GMA News