Napatay ang isang dating pulis na itinuturong mastermind sa pagnanakaw at pagpatay sa isang rider sa Valenzuela City, matapos umanong makipagbarilan sa mga awtoridad sa Lipa, Batangas.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita ang isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Lipa Police at PNP Region IV-A sa kanilang target area sa Barangay San Francisco, kung saan naroon ang dating pulis na si Anthony Glua Cubos.
Mabilis na pumalibot ang mga operatiba sa compound, habang paspasang pinasok ng SWAT team sa bintana ang isa sa mga bahay sa target area.
Sa pagpasok nila sa isa sa mga bahay, sinabing nakipagbarilan si Cubos na sinisilbihan ng warrant of arrest.
Narekober sa kay Cubos ang isang kalibre .45 na baril at drogang nagkakahalaga ng P170,000.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Lory Tarrazona, Chief of Police ng Lipa, Batangas, si Cubos ay isang AWOL na pulis na tumatayong lider ng Cubos criminal gang.
Nag-AWOL noong 2019 si Cubos na utak umano sa pagpatay at pagnanakaw ng dalang pera ng isang rider sa Valenzuela noong Oktubre 2020.
"Binabalak po nilang buuin uli 'yung grupo dito sa Batangas area sa IV-A kasi mailap na po sila sa NCR gawa ng huling nangyari sa Valenzuela. Nagbabalak po sila ritong holdupin at kidnapin ang isang kilalang contractor dito sa Batangas at kunin 'yung sasakyan, lahat. Alahas, pera," sabi ng isang police informant.
"There are follow-ups, we are already on the investigation of other in cahoots with this Cubos group," sabi ni Police Colonel Ysmael Yu, Deputy Regional Director ng PRO 4A. —LBG, GMA News