Napatay ang isang most wanted na miyembro ng gun-for-hire group matapos siyang manlaban umano sa mga awtoridad sa Lian, Batangas. Ang suspek, itinuturing mapanganib dahil may napatay na siyang opisyal ng kapulisan.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Cirilo Montes.

Sa video ng Batangas Provincial Police Office, makikita na palingon-lingon pa si Montes sa tabi ng isang bahay sa Lian nang masubaybayan.

Pero bago ang engkuwentro, pinagbabaril ni Montes sina Police Staff Sergeant Ferrer at Police Corporal Vergara sa mukha at paa nang pahintuin siya sa checkpoint ng border ng Calatagan at Lian.

Si Montes din ang itinuturong pumatay sa Deputy Chief of Police ng Malvar, Batangas na si Police Senior Inspector Ramon Chito Chavez noong 2009.

Nang matunton ng tracking team ng pulisya ang kinaroroonan ni Montes, umalingawngaw ang mga putok ng baril at napatay ang suspek.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .45 na baril at dalawang granada.

Hinahanap pa ng Batangas PPO ang iba pang miyembro ng gun-for-hire group na kinabibilangan ni Montes.--Jamil Santos/FRJ, GMA News