Limang tao na gumamit ng pekeng tig-1000 peso bill ang naaresto ng mga pulis sa isang checkpoint sa Camarines Sur.
Sa PNP checkpoint sa bayan ng Del Gallego naaresto ang mga suspek --dalawang lalaki at tatlong babae -- na umano'y gumamit ng pekeng pera sa bayan ng Lopez sa lalawigan ng Quezon.
Ayon kay Police Major Deo Calawit, hepe ng Lopez Municipal Police Station, isang may grocery store sa Barangay Burgos, Lopez ang nagtungo sa kanilang tanggapan nitong Biyernes ng hapon matapos daw silang mabilhan ng mga produkto gamit ang pekeng pera. Maswerteng nakuha ng biktima ang plate number ng sasakyan ng mga suspek.
Patungo daw sa Bicol ang mga suspek kung kaya’t agad na inalarma ng Lopez Municipal Police Station ang mga pulis sa border checkpoint sa Del Gallego, Camarines Sur.
Makalipas ang ilang oras ay naharang ang sasakayn ng limang suspek sa checkpoint at inaresto ang mga sakay.
Hindi na nakatanggi ang mga suspek na kinilalang sina Aboubaida Hadji Ali Solaima, Amir Kusain, Bainoie Kusain, Sittie Kusain, at Lady Almira Kusain na pawang mga taga Taguig City.
Nakuha sa mga suspek ang aabot sa 40 piraso ng pekeng 1000 peso bill.
Ayon pa kay Major Calawit, posibleng marami na ang naikalat na pekeng isang libong papel ang mga suspek kung kaya’t pinag-iingat niya ang publiko.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and use of False Treasury or Bank Notes and other Instruments of Credit.
Nagsasagawa ngayon ng follow up operation ang mga pulis.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga naaresto. —LBG, GMA News