BORACAY ISLAND, Malay Aklan —Inaasahan na ang pagdating sa Boracay ng aabot sa 40,000 doses ng Sinovac vaccine, ayon kay acting Malay Mayor Floribar Bautista.
Pahayag ni Bautista, nakipagpulong sa kanila ang Aklan Provincial Health Office nitong Sabado ng gabi upang ipaalam ang inaasahang pagdating ng bakuna sa mga susunod na linggo.
Idinagdag niya na galing ang Sinovac sa Department of Health at para ito sa mga tourism worker sa Boracay.
Bahagi umano ito ng paghahanda sa pagbubukas ng Boracay sa international tourists.
Sisimulan na umano ng local government sa Lunes ang mga paghahanda para sa pagdating ng bakuna.
Ilan lamang sa paghahandang isasagawa ay ang pagtatakda ng simulation exercise, paghahanap ng vaccination sites, at iba pa.
Samantala, nagpalabas si Bautista ng bagong executive order na nagpapalawig ng curfew sa Boracay.
Magmula 11 pm, pinalalawig ito hanggang ala-una hangang alas singko ng madaling-araw. —LBG, GMA News