Ilang imahen ng mga santo sa isang simbahan tulad ni Padre Pio sa Legazpi City sa Albay ang nilapastangan ng hindi pa nakikilalang salarin.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita ang imahen ni Padre Pio na putol ang mga daliri sa kamay at paa, at binasag din ang siko.
Ang imahen naman ni Virgin Mary, tinuklap ang mukha ng anghel sa kaniyang paanan.
“Hindi gawa ng isang matinong tao ‘yon,” ayon kay Police Executive Master Sergeant Guilbern Patacsil, Jr., ng Legazpi Police Public Information Office.
Hindi matukoy ang salarin dahil walang nakakita sa insidente at walang CCTV sa lugar.
Kaya naman naglagay ang pulisya ng nagpapatrolya malapit sa simbahan at naglagay na rin ng CCTV ang simbahan.
“May mga ordinance po na nire-require talaga na mayroon pong mga CCTV like sa mga establishment, mga tindahan… for purposes po na requirements ‘yon ‘pag nagre-renew sila ng mga permit nila,” ayon kay Patacsil.
Umaasa naman si Legazpi Bishop Joel Baylon na mapagtatanto ng salarin na mali ang ginawa nito sa mga imahen.
“It was an act of vandalism indeed but it was not meant to be an act of religious sacrilege. I would not interpret it that way. Sabi ko lang, sana ‘wag nang ulitin ‘yon at tsaka makadama rin ng responsibilidad ang mga gumawa,” ani Baylon.-- FRJ, GMA News