Muling nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region II sa mga residenteng nakatira malapit sa dagat na huwag hulihin at kainin ang nakalalasong alimango na kumitil sa buhay ng dalawang bata sa Cagayan. Ang alimango, binansagang "Devil Crab."

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing ang alimango na nakain ng isang pamilya sa Sta. Ana, Cagayan ay ang Zosimus aeneus o devil reef crab na may taglay na lason.

“Isa po siyang nakakalason na crab. Nagtataglay ito ng mga toxins, for example, neurotoxins, mayroon siya saxitoxin which is kapag nakain itong crab na ito ay talagang magdudulot po ng food poisoning,” paliwanag ni BFAR Region II officer-in-charge Dr. Jefferson Soriano.

“Base kasi sa sinubmit sa ating samples, maaaring itong species na ito ay naihalo doon sa mga nakuha nila so hindi nila na-identify, na-distinguish itong crab na ito which is poisonous,” patuloy niya.

Ayon pa sa opisyal, ang pagkamatay ng dalawang batang magkapatid ay ikalawang kaso na ng pagkalason sa pagkain ng lamang-dagat sa Sta. Ana.

“The last time is ‘yong ‘buging’ which is isang klase ng goby fish naman which is pareho lang silang nagtataglay ng lason,” ani  Soriano.

Ang devil crab ay kaya umanong pumatay ng tao sa loob lang ng ilang oras, ayon sa BFAR.

Kabilang sa sintomas ng pagkalason sa naturang alimangon ay pamamanhid ng dila, pagkaparalisa ng kamay at paa, at hirap sa paghinga.

Sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, iniulat na matapos maka-comatose ng ilang araw ay nakalabas na ng ospital ang ama ng dalawang batang nasawi.

Ang ama ng mga bata na isang mangingisda ang nakahuli sa mga alimango at kaniyang ipinaluto sa asawa para sa kanilang pamilya.

Nabalitaan na raw niya noon na nakalalason ang naturang alimango pero nang linggong iyon ay kumain din daw ng naturang lamang-dagat ang isa niyang kasamahan at wala namang masamang nangyari.

Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong detalye ng istorya.

-- FRJ, GMA News