Kahit matagal nang ipinagbabawal, marami pa rin ang naglalaro ng "boga" at nakakadisgrasya. Ang isang batang babae sa South Cotabato, matinding hirap ang dinadanas ngayon matapos masunog ang mukha at katawan nang masabugan ng boga.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, dama ng mga magulang ng limang-taong-gulang na si Michaella Ledesma, ang paghihirap na dinadanas ng kanilang anak.
Dalawang linggong nanatili sa ospital si Michaella bago pinayagang makauwi upang ipagpatuloy na lamang sa bahay ang pagpapagaling.
Gayunman, matinding hirap pa rin ang nararanasan ng bata dahil sa matinding sakit na nararamdaman kapag nililinis ang kaniyang mga sugat.
Bukod dito, kailangan din niyang sumailalim sa rehabilitasyon upang maibalik sa dati ang paggamit ng kaniyang braso at mga kamay.
Ang itinuturong nakadisgrasya kay Michaella, ang kaniyang kalaro na walong-taong-gulang.
Hinala pa ng mga magulang ni Michaella, hindi lang simpleng aksidente ang nangyari dahil sinasabing may isinaboy pa sa damit ng biktima bago siya pinaputukan ng boga kaya nagliyab ang kaniyang kasuotan.
Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang buong istorya at alamin kung dapat bang managot ang mga magulang ng walong-taong-gulang na bata sa nangyari.
--FRJ, GMA News