Kalunos-lunos ang sinapit ng isang apat na taong gulang na lalaki matapos siyang pagnakawan ng cellphone, patayin at inilagay sa eco bag ng kambal na suspek sa San Fernando City, Pampanga.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Kian Angel Belleza ng Bgy. Calulut ng nasabing lungsod.
Hindi matanggap ni Roel Manarang, ama ng biktima, ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang anak.
"Napakasakit sa akin sir na makita 'yung anak ko naka-kuwan na. Inaalagaan ko nang mabuti tapos bigla na lang pinatay," sabi ni Manarang.
Lumabas sa awtopsiya na suffocation ang ikinamatay ng biktima, na posibleng dahil sa sakal o binusalan.
Napag-alaman na Pebrero 16 nang lumabas ng bahay si Kian dala ang kaniyang cellphone pero hindi na siya nakabalik.
Gabi noong Pebrero 17, may matagpuang garbage bag sa bakanteng lote at nang buksan ay tumambad ang bangkay ni Kian Angel.
"Gusto ko sana talagang mabulok sa kulungan 'yan. Lalong lalo na kasi siyempre, wala rin kami, lalo na sa gastos pagdating sa ataul. Walang-wala kaming ganoon sir," sabi ni Manarang.
Suspek sa pagkamatay ni Belleza ang kambal na lalaki na mga edad 18, na umamin na umano sa krimen.
Nasa kustodiya na sila ngayon ng pulisya.
Tinitingnang motibo sa krimen ang pagnanakaw nila sa cellphone ng bata.
"Nakita po ng witness na doon po itinapon 'yung eco bag na eventually, naglalaman ng bata. Itong dalawang bata lulan ng tricycle, doon po sila nahuli," sabi ni Police Lieutenant Colonel John Lopez Clark, hepe ng San Fernando City Police Station.
"Gusto po sana naming pumunta ng Maynila para mag-boxing. Boxing gym po, sasamahan ko po 'yung kuya ko, tapos magtatrabaho po kaming dalawa," saad ng isa sa mga suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News