Isang duguang bangkay ng babae ang natagpuan sa maliit na kalsada sa Tagkawayan, Quezon ngayong Biyernes ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, isang residente na bibili ng pandesal ang nakakita sa bangkay dakong 5:00 am sa Barangay Bagong Silang.
Kaagad niyang ipinaalam sa kanilang punong barangay ang nakitang bangkay hanggang sa dumating ang mga pulis.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad, nakagapos ang mga kamay ng biktima at may tama ng dalawang bala ng baril sa ulo.
Walang pagkakakilanlan sa babae sa tinatayang nasa edad 30 hanggang 35, maputi, may tattoo sa kaliwang braso at may marka ng operasyon sa tiyan.
May nakitang bag sa gilid ng biktima na may laman na resibo ng isang gasolinahan sa Camarines Sur.
Ayon sa mga residente, wala naman daw silang narinig na putok ng baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima. Nakipag-ugnayan din Tagkawayan police sa mga police station sa Camarines Sur at Camarines Norte. --Peewee Bacuño/FRJ, GMA News