Labis ang paghihinagpis ng pamilya ng hepe ng Public Order and Safety Office ng Calasiao, Pangasinan, na pinagbabaril ng riding in tandem. Maging ang alkalde ng munisipalidad, hindi matanggap ang sinapit ng kaniyang tauhan na itinuturing niyang malapit na kaibigan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nakaburol na sa kaniyang bahay sa Barangay Dinalaoan si Reynaldo Bugayong, 54-anyos.
Papasok na sana sa trabaho nitong Martes ng umaga si Bugayong sakay ng motorsiklo nang pagbabarilin siya ng mga salarin na sakay din ng motorsiklo sa Barangay Lasip.
Siyam na tama ng bala sa ulo at katawan ang tinamo ng biktima.
Nangyari ang trahedya sa araw pa man din ng kaarawan ng isa sa kaniyang mga anak.
"Nakita ko po yung mata ng daddy ko lumuluha. Tapos lumalabas yung dugo sa ilong niya. Sabi ko hindi deserve ni daddy yung ganung pagkamatay. Kasi po mabait yung daddy ko," umiiyak na sabi ni Rhea.
Ayon sa pulisya, sinabi ni Mayor Joseph Armand Bauzon, na bukod sa pagiging POSO chief ay political leader at organizer din ng alkalde ang biktima.
Kasama ito sa titingnan ng mga awtoridad na posibleng motibo sa krimen.
Si Bauzon, sinabing masakit sa kanilang pamilya ang sinapit ni Bugayong na itinuturing niyang kaibigan.
"Kung sino pa yung pinakamalapit na tao sa akin ganun pa ang mangyayari sa kaniya," anang alkalde. "He does not deserve this, no one deserves this kind of brutality."
Samantala, inilabas ng pulisya ang ilang kuha sa CCTV na makikita ang riding in tandem na nag-abang kay Bugayon sa Dinalaoan at sumunod sa kaniya hanggang sa Barangay Lasip kung saan na pinagbabaril ang biktima.
Binuo na rin ang special investigation task group-Bugayong na tututok sa kaso upang madakip ang mga salarin.
Mayroon na umanong person of interest ang mga awtoridad pero tumanggi muna silang pangalanan ang mga ito.--FRJ, GMA News