Nasawi ang hepe ng Public Order and Safety Office (POSO) ng bayan ng Calasiao, Pangasinan, matapos pagbabarilin ng mga salarin nitong Martes ng umaga.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing nagulat ang mga residente sa Barangay Lasip matapos pababarilin ang biktimang si Reynaldo Bugayon, 54-anyos, ng Barangay Dinalaoan.
Papasok na umano sa trabaho ang biktima na sakay ng motorsiklo nang sundan siya ng apat na salarin na nakasakay sa dalawang motorsiklo at pagbabaril sa gilid ng daan.
"Mula sa bahay, nakamotor siya at doon na siya sinabayan ng mga bumaril at dito naabutan sa Barangay Lasip. May nakaabang na dalawang nakamotor at nag-match yon doon sa CCTV," ayon kay Police Lieutenant Ferdinand de Asis, hepe, Calasiao Police Station.
Naghihinagpis naman ang mga kawani ng POSO sa sinapit ng kanilang pinuno na inilarawan nilang mabait at patas ang pagtingin sa kanila.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA News