Nabahala ang ilang residente sa isang subdibisyon sa Los Baños, Laguna nang mapansin nila ang paglabas ng mainit at umuusok na singaw mula sa kanilang imburnal.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Barangay Tadlac chairman Bobit Meneses, na madidinig din ang tila pagkulo ng tubig sa loob ng imburnal.
“Ito po ‘yung mga nireport na lumabas na nagbibigay ng steam. Kung lalapit po kayo, madirinig niyo na kumukulo ang tubig. Pati rin po sa bandang doon. Ayan po maliwanag na napakalakas ng usok. Ngayon lang po nangyari ito,” sabi ni Meneses sa kaniyang video.
Ginawa raw ni Meneses ang video para makuha ang atensiyon ng mga kinauukulan upang alamin kung ano ang dahilan ng pag-usok at pagkulo ng tubig sa imburnal.
Nitong Huwebes, pinuntahan ng GMA News ang lugar at humupa na ang mainit na singaw kumpara noong una itong mapansin ilang linggo na ang nakalilipas.
Nangangamba ang mga residente na baka may kinalaman ang mainit na singaw sa kalapit nilang Mt. Makiling, na hindi aktibong bulkan.
“Ang kinakatakot po kasi ng mga resident dito baka nga magkaroon ng biglang pumutok,” ayon sa isang residente.
Tanong naman ng punong barangay: “Tayo po ba ay nalalagay sa alanganin, sa peligro? Ang ating mga anak, ating mga susunod na henerasyon ay wala po bang magiging problema? ‘Yun po ang layunin ng aking bidyo.”
Nang magsagawa ng pagsusuri ang Provincial Environment and Natural Resources Office at ilang lokal na opisyal, lumilitaw na galing umano sa isang "hot spring" ang mainit na singaw, at hindi ito dapat ikabahala.
“Most likely doon lumalabas kasi sarado kasi na may pavement. Humahanap siya kung saan siya sisingaw. So singaw lang talaga siya,” paliwanag ni PENRO officer Ronilo Salac.
Ayon naman sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), maaaring naharangan nga ang hot spring at naghanap ito ng dadaanan ang singaw.
“Kunwari mayroong dating thermal spots diyan o springs na natabunan, posible namang dumaan ito sa iba pang lugar,” sabi ni PHIVOLCS director Renato Solidum.
Wala naman umano silang namomonitor na kakaiba sa Mt. Makiling kaya walang dapat na ikabahala ang mga residente.
“Huwag po kayong mag-panic dahil ito po ay normal na mga pangyayari dahil nga ang Bulkang Makiling, kahit hindi po siya aktibo ay mainit ang bato,” paliwanag niya.--FRJ, GMA News