Labis na ikinatuwa at ikinamangha ng mga residente ang isang puting kalabaw na isinilang ng itim na kalabaw sa Pozorrubio, Pangasinan. Ang albino carabao, itinuturing ngayon na suwerte sa kanilang barangay.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing namangha ang 53-anyos na magsasakang si Renato Paharillo ng Barangay Sugcong nang isilang ng alaga niyang itim na kalabaw ang anak na albino carabao.
Bukod sa puti nitong balahibo, mapapansin din ang mamula-mulang balat at kakaibang mata ng batang kalabaw.
Labis na natuwa ang mga residente nang makita ang puting kalabaw.
Itinuturing nila itong suwerte sa kanilang lugar.
"'Pag may mga ganiyang pagkakataon, suwerte ang kasabihan ng mga matatanda dati. Kaya sana maging suwerte na rin tsaka 'yung may-ari tsaka 'yung nag-paalaga, 'yung barangay namin," sabi ni Girly Ezperanzate, Chairman ng Brgy. Sugcong, Pozorrubio.
Nasa mabuting kondisyon ang albino carabao at walang natagpuang komplikasyon sa kalusugan nito.
"Bihira lang pong nangyayari 'yun, mga five percent lang po... Either po namana, nasa dugo ng mother's side o father's side," sabi ni Richie Madayag, agricultural technician ng Pozorrubio Municipal Agricultural Office. —LBG, GMA News