CAMARINES NORTE - Limang mangingisda mula Atimonan, Quezon na tatlong araw nang nawawala ang nasagip sa mga bayan ng Vinzons at Jose Panganiban sa Camarines Norte nitong Lunes.
Unang nasagip ang dalawang mangingisda sa bayan ng Vinzons at kasunod naman ang tatlo kabilang na ang kapitan ng bangka na si Danilo Dalison sa bayan ng Jose Panganiban.
Umalis sa Barangay Caridad, Atimonan, Quezon noong Biyernes, Pebrero 5, ang FV Eljohn lulan ang 11 na tao. Pagdating sa laot ay inabutan sila ng masamang panahon hanggang sa masira ang bangka at lumubog ito.
Ilang araw na nagpalutang-lutang sa dagat ang mga mangingisda.
Nang masagip ang lima ay agad silang ipinasuri sa doktor. Binigyan din sila ng pagkain.
Magkasama ang Philippine Coast Guard at mga Bantay Dagat sa isinagawang search and rescue operation sa karagatan ng Camarines Norte upang hanapin ang iba pang kasama ng limang nasagip.
Nitong Martes ay nakauwi na sa bayan ng Atimonan ang lima. Laking pasasalamat nila sa mga tumulong sa kanila.
Patuloy naman na nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Atimonan sa Camarines Norte local government unit. —KG, GMA News