BORACAY ISLAND, Malay Aklan —Sinimulan na ng Sanguniang Bayan (SB) ng Malay, Aklan ang proseso sa pagpasa ng batas para sa "permanent ban" ng mga turistang pumapasok ng island resort gamit ang pekeng negative COVID-19 RT PCR test result.
Ayon kay acting Malay Mayor Floribar Bautista, sinimulan na ng SB ang deliberasyon nito sa isinagawang regular session noong Huwebes para maipatupad ang nasabing batas.
Base sa tala ng Aklan Provincial Government, umabot na sa 105 na mga turista ang naitalang nahuling lumabag sa safety at health protocols katulad ng hindi pagsusuot ng face mask. Aabot na man sa 30 ang nahuling gumamit ng pekeng RT PCR tests.
Sa text message ni acting mayor Bautista, sinabi nitong siya mismo ang kumausap sa SB upang ipasa ang nasabing lokal na ordinansa.
Nauna nang pinakakasuhan gn Department of Tourism ang mga turistang nahuliong may dalang pekeng RT PCR test. —LBG, GMA News