Isang high school teacher sa Tacloban City ang arestado matapos mahuling bumabatak kasama ang dalawang iba pa, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Itinuturing na high value target ang gurong si Romeo Mista, na nahuli kasama ang dalawa niyang pamangking sina Daniel Rayubal at Alfonso Asebo.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang paketeng shabu na nagkakahalaga ng P2,000.

Nang kapkapan si Mista, nakuha pa sa kaniya ang isang coin purse na naglalaman ng mas malaking sachet ng shabu na halos P40,000 ang halaga.

Inamin ni Mista na gumagamit siya ng droga pero hindi raw siya nagtutulak. Walang pahayag ang dalawa niyang kasama. —KBK, GMA News