Isang lolo ang nasawi matapos bugbugin at paghahampasin ng kawayan ng isang grupo ng kalalakihan sa Bayambang, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Abraham Diguerto, 65-anyos, ng Barangay Ataynan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagpunta ang biktima sa isang birthday party sa Barangay Bacnono, kasama ang ilang opisyal ng Barangay Ataynan.

Pauwi na raw ang biktima nang sundan siya ng mga hindi pa natutukoy na salarin at pinagbubugbog na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Hindi naman makapaniwala ang kaanak ni Diguerto sa sinapit nito dahil may edad na ang biktima para pagtulungan pa.

Bukod pa rito ay may mga kasama pa siyang opisyal ng kanilang barangay.

"Malungkok kami kasi 65-years-old na, matanda. Sana sa mga nambugbog na 'yan kasi wala namang ginawang kasalanan, sana naman aminin nila," ayon kay Thelma Moyano.

Sinabi naman ni Pablo Retuya na punong barangay ng Ataynan, na siya at ang kaniyang misis lang ang inimbitahan sa birthday party at hindi niya inakala na sumunod ang ilang opisyal at ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA News