Himalang nabuhay ang isang 22-anyos na babae sa Urdaneta, Pangasinan matapos siyang saksakin ng kaniyang kinakasama sa kanilang bahay.

Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Ella Marie Cambay, isang kawani ng gobyerno.

Ayon sa biktima, madalas na magselos sa kaniya ang kinakasama.

"Sabi niya kung gusto ko pa raw siya. 'Yon yung last na tanong niya sa akin," kuwento ng biktima. "Ang sinagot ko kasi nakikipaghiwalay na ako sa kaniya kasi hindi ko na po matantiya yung mga ginagawa niya sa akin."

Kasunod nito, kumuha na umano ng patalim ang suspek at inundayan na ng mga saksak ang biktima, ayon kay Police Lieutenant Colonel Vicente Castor Jr. hepe ng Urdaneta Police Station

Dagdag pa ni Castor, sa unang pagsusuri sa mga tinamong sugat ng biktima, 13 saksak ang tinamo ni Cambay. Pero sa medical records ng biktima, 30 ang nakitang sugat niya.

Patuloy na hinahanap ang suspek na tumakas matapos gawin ang krimen.

"Sana mahuli na po siya para magbayad sa mga kasalanan po niya," sabi ng biktima.--FRJ, GMA News