KALIBO, Aklan - Ilang oras bago ang Pilgrims' Mass ng Sto. Niño Kalibo Ati-atihan Festival, nagpalabas ng executive order si Kalibo Mayor Emerson Lachica nitong Sabado para sa maagang curfew ng tatlong Purok sa C. Laserna Street, Poblacion, Kalibo.
Isinailalim sa maagang curfew ang Purok 2, 3 at 4 ng C. Laserna Street dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa nasabing mga lugar.
Dahil dito, simula Enero 16 hanggang Enero 30, bawal munang lumabas ng kanilang mga bahay ang mga residente simula 7 ng gabi hanggang 5 a.m. kinabukasan.
May liquor ban din simula Enero 16 hanggang Enero 30 sa parehong lugar.
Plano sana ng lokal na pamahalaan na i-lockdown ang naturang mga purok pero sa huli ay napagdesisyonan na i-adjust na lamang ang curfew.
Sa ibang lugar sa buong Kalibo, ang curfew ay nananatiling simula alas nuwebe ng gabi hanggang alas singko ng umaga ng susunod na araw.
Dahil din sa COVID-19 pandemic, naging virtual na lamang ang selebrasyon ng Kalibo Sto Niño Ati-atihan Festival. Ito ay maliban sa Pilgrims' Mass na isinagawa sa St. John the Baptist Kalibo Cathedral.
Base sa tala ng Kalibo Municipal Health Office, nitong Enero 15 ay nakapagtala ang Kalibo ng kabuuang 287 na kaso ng COVID-19.
Umabot sa 12 ang namatay at 34 ang aktibong kaso habang ang iba ay nakarekober na.
Kalahati o 17 sa mga kasong ito ay galing ng Poblacion, Kalibo na siyang sentro ng pagdiriwang ng Ati-atihan Festival. —KG, GMA News