Nagkalat ang maraming sako ng harina sa Batasan-San Mateo Road matapos na mawalan umano ng preno ang isang truck na nagdadala ng mga ito.
Sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo DZBB sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, binabagtas ng driver ang pababang bahagi ng kalsada nitong madaling araw pero nawalan siya ng preno.
Matapos nito, inararo ng truck ang center island ng kalsada at binangga pati ang dalawang poste ng ilaw.
Pagkabangga sa mga poste, tumagilid ang sasakyan at tumilapon ang mga karga nitong sako-sakong harina.
Wasak ang harapang bahagi ng truck dahil sa lakas ng pagkakabangga at nasaktan din ang pahinante na isinugod sa ospital.
Kinailangan ng heavy equipment ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para mainangat at maitayo ang tumumbang truck.
Nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko ang mga sako ng harina.
Patuloy pa rin ang clearing operation para tuluya nang matanggal ang sako-sakong harina sa kalsada. —LBG, GMA News