BORACAY ISLAND —Kinagigiliwan ng ilang mga residente sa Boracay ang pagpakawala sa mga kapipisa lamang na mga baby pawikan sa baybayin ng isla, habang nag-uunahan ang mga ito patungo sa dagat.
Ayon kay Haron deo Vargas ng Community Environment and Natural Resources Office o CENRO umabot sa 135 na Ridley turtle ang pinakawalan.
Sa front beach ng Boracay pinakawalan ang may 102 na ridley turtle at 33 naman sa Bolabog beach sa likurang bahagi ng Boracay.
Maliban sa Ridley turtle, may dalawa ding hawksbill turtle ang pinakawalan ng CENRO. Napisa ang 102 na ridley turtle noong January 1 habang ang iba naman ay napisa noong January 3.
Sa bayan ng Numancia, Aklan kinagiliwan din ng mga residente ang may 130 na itlog ng Green Sea Turtle noong January 6. Pansamantalang inipon ang mga ito na nakakalat sa baybayin ng Numancia at ibinaon sa mababaw na hukay. Hihintayin ng opisyal ng Municipal Agriculture Office ang ilang lingo bago mapisa ang mga itlog. —LBG, GMA News