Isang inmate sa Davao City ang napatay matapos umanong mang-agaw ng baril habang nasa kustodiya ng pulisya, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao sa Saksi nitong Miyerkoles.
Dadalhin sana sa piskalya ang lalaking inmate para sa inquest kaugnay sa akusasyong ginahasa niya ang sarili niyang anak. Pero ayon sa pulisya, bigla itong nang-agaw ng baril.
"Parang medyo tuliro na siya, so makalampas sila dun sa desk officer bigla niyang inagaw ang baril nung isang escort," ayon kay Police Colonel Kirby Kraft, director ng Davao City Police.
"Nagkaroon ng scuffle, natumba sila, so pumutok yung baril at tinamaan itong suspek natin," dagdag pa ni Kraft.
Dead on arrival sa ospital ang inmate. Bukas naman sa anumang imbestigasyon ang pulisya.
Inaresto ang suspek nitong January 1 matapos ireklamo ng panggagahasa ng kaniyang menor de edad na anak.
Hindi ito ang unang beses na may napatay na suspek habang nasa kustodiya ng pulisya. Nitong nakaraang Nobyembre, isang rape suspect ang napatay matapos umanong manlaban sa General Santos City.
Agosto naman ng mag-agaw daw ng baril ang isang inmate sa isang nagi-inspeksiyong pulis sa Mandaluyong City. Nakipagbarilan daw ito bago tumalon mula sa ikalawang palapag dahil sa sobrang taranta. --KBK, GMA News