Umabot na sa 15 ang turistang nahuli ng awtoridad na gumamit ng pekeng RT-PCR test para makapasok sa Boracay.
Ayon sa Aklan Provincial Police Office, naunang nakitaan ang limang turista na may hawak na pekeng RT-PCR test noong December 7.
Ang lima ay nakapasok na sa Boracay bago nalamang peke pala ang kanilang RT-PCR test. Rekisito ang negative na RT-PCR test bago payagang makapasok ng Boracay ang turista.
Ilang araw matapos mahuli ang lima, sunod-sunod na ang mga turistang nahuling may dalang pekeng RT-PCR test.
Dalawa sa kanila ang nahuli sa Caticlan Jetty Port, bago makapasok sa Boracay.
Samantalang nakapasok na rin sa Boracay ang iba pa bago natuklasan na peke ang kanilang RT-PCR test.
Kinasuhan naman ang 15 turista na gumamit ng pekeng RT-PCR test sa Kalibo Regional Trial Court.--Jun Aguirre/FRJ, GMA News