Nananatiling palaisipan sa pulisya ang pagkawala ng tatlong miyembro ng LGBT community na dalawang linggo nang nawawala matapos umano silang dukutin ng mga armadong lalaki sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi," sinabing dinukot umano ng madaling araw ng Disyembre 19 ang tatlong biktima na kinilala sa mga alyas nilang RR, Erika, at Nicole.
Isang kagawad ng barangay Zapote Uno si RR.
Ayon sa pulisya, nakikipag-inuman umano ang tatlong biktima sa tatlo pang kabataan sa Barangay Ligas Dos.
Pagkalipas ng ilang oras, umalis si Erika.
"Silang dalawa ay sapilitang isinama at dinala sa lugar kung nasaan si Erika... may kasama pang ibang nakikipag-inuman kasama ng pitong kalalakihan ay muling kinuha si Erika," sabi ni Police Senior Master Sergeant Ivan Legaspi, imbestigador.
Nadatnan si Erika ng mga suspek sa kalapit na subdivision at sapilitan siyang isinakay sa SUV.
Sinabi ni Legaspi na ikinuwento ng binatilyong kasamang dinukot ng mga suspek pero pinalaya kinalaunan na dinala sila sa parteng Las PiƱas at saka pinaikot-ikot.
Hindi nagtagal, pinababa at pinauwi naman ng mga kalalakihan ang tatlong biktima.
May person of interest na ang pulisya pero hindi muna isinapubliko habang gumugulong ang imbestigasyon.--Jamil Santos/FRJ, GMA News