Apat katao ang nasawi, habang lima ang sugatan sa magkakahiwalay na aksidenteng naganap sa Ilocos Sur. Ang tatlo sa mga nasawi, sakay ng kani-kanilang motorsiklo.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing isang menor de edad na rider ang nasawi nang bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang traffic sign sa Narvacan.
Sugatan naman ang kaniyang angkas na menor de edad rin.
Ayon sa pulisya, nawalan ng kontrol ang rider sa pakurbang bahagi ng kalsada at walang suot na helmet ang mga biktima.
Sa Banaoang Bantay, nasawi ang delivery truck driver na si Robert Riotoc, at sugatan ang kaniyang pahinante, nang bumangga ang kanilang sasakyan sa likod ng isang dumptruck.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtangka umanong mag-overtake ang nasawing driver pero bumangga sa likod ng dumptruck.
Wasak naman ang isang motorsiklo sa bayan ng Bantay nang mawalan ng kontrol ang 20-anyos na rider at mahulog sa kanal habang pababang tumatakbo sa bahagi ng Mt. Tupira.
Nasawi ang rider habang sugatan ang kaniyang angkas.
Ayon sa mga awtoridad, human error ang dahilan ng sakuna dahil pinatay ng rider ang makina ng motorsiklo sa pababang daan kaya nawala na ang engine break ng sasakyan.
Nasawi naman ang isang 42-anyos na padre de pamilya at sugatan ang kaniyang mag-ina nang bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang tricycle sa bayan din ng Bantay.--FRJ, GMA News