QUEZON - Hindi bababa sa 50 tao kabilang ang mga bata ang nasagip ng Bureau of Fire Protection-Atimonan at Philippine Coast Guard-Atimonan sa naganap na flash flood sa Purok Sampaguita, Barangay Caridad Ilaya, Atimonan, Quezon nitong Linggo.
Ayon sa BFP-Atimonan, dakong 3:25 ng hapon nitong Linggo nang makatanggap sila ng tawag mula sa mga residente ng Barangay Caridad Ilaya na nagpapasaklolo.
Bigla ang pagbaha sa nasabing lugar dulot ng malakas na ulan dahil sa low pressure area.
Naninirahan malapit sa ilog ang mga residente. Dalawang bahay ang winasak at tinangay ng baha.
Mabilis naman na nagtungo sa lugar ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Atimonan, BFP at PCG at nagsagawa ng rescue operation.
Naging pahirapan ang ginawang pag-rescue dahil sa rumaragasang baha.
Mabilis at maingat ang mga rescuer sa pagsagip sa mga residente.
Ang isang sanggol ay isinakay sa malaking batya at isinabit sa tali upang maitawid sa ilog.
Laking pasasalamat ng mga residente dahil walang nasawi isa man sa kanila.
Sa mga oras na ito ay maganda na ang panahon sa malaking bahagi ng probinsiya ng Quezon. —KG, GMA News