Patay ang isang pulis matapos siyang pagbabarilin ng mga lalaking riding in tandem sa motorsiklo sa Cagayan de Oro City.
Galing sa duty si Patrolman Roy Aguas at nagpunta sa isang vulcanizing shop para magpahangin ng gulong nang lapitan ng tatlong suspek at pinagbabaril siya, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Mabilis na tumakas ang mga salarin.
Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa kanyang trabaho ang pamamaril sa biktima, at kung sino ang mga suspek.
Pangil, Laguna
Sa Pangil, Laguna naman, namatay ang isang ginang matapos saksakin ng hindi pa nakikilalang salarin.
Mahigit 30 na saksak sa mukha at likod ang natamo ni Imee Javier.
Nadala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ito ng buhay.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, may nakapasok sa bahay ng biktima matapos alisin ng suspek ang isang dingding ng bahay.
Ang hinala ng pulis ay baka pinrotektahan ng biktima ang kanyang anak kaya't siya ang napuruhan ng suspek.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito.
Norala, South Cotabato
Sa Norala, South Cotabato, isa ang patay at lima ang sugatan matapos sumabog ang isang helium tank.
Nag-iihip ng ibebentang mga lobo ang mga biktima nang biglang sumabog ang isang tangke matapos haluan ito ng chemical solution.
Tumilapon ang mga biktima pagkasabog ng tangke.
Agad itinakbo ang mga biktima sa ospital. —KG, GMA News