Binuwag ang buong Cordillera Police Drug Enforcement Unit matapos masangkot ang dalawa nilang tauhan sa pagdukot at pagpugot sa isang lalaki sa Baguio City nitong nakaraang buwan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "QRT" nitong Martes, nakuhanan ng video noong hapon ng Nobyembre 11 na sapilitang isinasakay ng mga lalaki sa isang sasakyan ang nagsisigaw na biktima na si Harjan Lagman, 25-anyos, ng Barangay Irisan.
Kinabukasan, nakita sa bangin sa Tublay, Benguet ang bangkay ni Lagman na wala ang ulo.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa natatagpuan ang ulo ng biktima.
Dahil sa kuha ng video, natukoy ang mga kumuha kay Lagman at kabilang dito ang dalawang pulis.
Ayon kay Police Colonel Allen Rae Co, Baguio police director, dinisarmahan na ang mga sangkot na pulis at isinailalim sa restrictive custody.
Hindi pa nagbibigay ng pormal na pahayag ang mga suspek pero itinatanggi raw nila ang krimen.
Ang National Bureau of Investigation (NBI) at hindi ang mga pulis ang magsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Tinawag ni Co na "very isolated incident" ang nangyari at lumilitaw umano sa kanilang paunang imbestigasyon na "personal reason" ang nangyari.--FRJ, GMA News