Tinanggal sa kaniyang puwesto ang hepe ng Bato Municipal Police Station sa Catanduanes matapos batikusin ng netizens ang komento niya sa social media tungkol sa nangyaring pamamaril ng isang pulis sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Ang pag-alis kay Police Captain Ariel Buraga, bilang hepe ng Bato municipal police station ay kinumpirma ni Philippine National Police spokesman Police Brigadier General Ildebrandi Usana.
Ayon kay Bicol Police chief Police Brigadier General Bartolome Bustamante, tinanggal sa puwesto si Buraga, matapos na ring hilingin ni Bato Mayor Juan Rodulfo.
Si Buraga ay pinalitan sa puwesto ni Police Lieutenant Fidel Romero Jr.
Sinabi ni Usana na iimbestigahan din si Buraga dahil sa kaniyang naging komento sa social media tungkol sa insidente sa Tarlac na umani ng mga negatibong reaksiyon sa netizens.
"Paimbestigahan pa rin po 'yung chief of police kahit na po ni-relieve na siya. Procedures pa rin po natin," anang opisyal.
Ayon kay Usana, may patakaran ang kapulisan tungkol sa pagpo-post sa social media.
Ang kontrobersiyal na post ni Buraga na binura na niya ay tungkol sa pagbaril at pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa nakaalitan niyang mag-ina na sina Sonya Rufino Gregorio at Frank Anthony.
Sa Facebook account ni Buraga, sinabi ng opisyal na: "Lesson learn kahit puti na ang buhok o ubanin na tayo eh matuto tayo rumespeto sa ating mga kapulisan. Mahirap kalaban ang pagtitimpi at pagpapasensya. RIP Nanay and Totoy."
Kabilang si Foreign Affairs Teodoro Benigno Jr. sa mga bumatikos sa naturang post ni Buraga.
"Is it true an hijo de p*ta police officer said that this incident will teach people, even if they have white hair, to respect police? P*t*ngina mo," saad ni Locsin sa Twitter post.
"I see you in the street I will run over you, you piece of native sh*t and incontrovertible proof that Independence was premature," dagdag ng kalihim. — FRJ, GMA News