Kinumpirma ng National Bureau of Investigation na ang nawawalang retired Court of Appeals Justice na si Normandie Pizarro ang natagpuang bangkay sa Capas, Tarlac noong Oktubre 30.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing hindi kaagad nakumpirma na si Pizarro ang bangkay dahil inalis ang mga daliri nito at pinutol ang kabilang kamay para mawala ang finger print.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng bangkay nang isailalim ito sa DNA tests at iba pang pagsusuri.

“Our DNA test results showed that the cadaver recovered in Tarlac are the remains of retired CA Justice Normandie Pizarro. Dental evidence gathered by our forensic team matched with the dental records of the former member of the CA,” ayon kay NBI Director Eric Distor.

“Initial investigation also shows that Justice Pizarro was brutally killed in Tarlac seven days before he was found dead last October 30,” dagdag ng opisyal.

Huling nakitang buhay si Pizarro sa Pampanga noong Oktubre 23, at kinalaunan ay iniulat ng kaniyang mga kaanak na nawawala na.

Oktubre 30 din nang makita rin ng mga awtoridad ang inabandonang sasakyan ni Pizzaro sa San Simon na may bahid ng dugo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng NBI para alamin ang motibo sa krimen at sino ang nasa likod ng pagpatay sa dating hukom.

“We’re talking of at least three persons of interest,” ayon kay NBI spokesman Ferdinand Lavin.

Ilang malalaking kaso ang hinawakan ni Pizarro kabilang na ang pagbasura sa pork barrel scam case ni Janet Lim Napoles at kay dating Palawan governor Joel Reyes.

Nitong nakaraang linggo, nanawagan ang ilang senador na imbestigahan ang mga nagaganap na patayan at pagkawala ng ilang personalidad sa bansa, kabilang na si Pizzaro.--FRJ, GMA News