Nag-evacuate man sila dahil sa pagbaha dulot ng mga malalakas na ulan, naging masaya naman ang isang mag-anak sa evacuation center sa Tuguegarao City sa Cagayan nitong weekend.
Ito ay matapos manganak ang isang evacuee sa evacuation center sa Barangay Annafunan, ayon sa ulat ni Saleema Refran sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Pinangalanan ang sanggol na babae na "Vicky" dahil ipinanganak siya sa kasagsagan ng Tropical Depression Vicky.
Halos 6,000 na ang mga evacuees sa Cagayan at Isabela dahil sa malawakang pagbaha nitong nagdaang weekend.
Bukod sa Bagyong Vicky, may tail-end of a frontal system at Northeast Monsoon (Amihan) rin na nakaapekto sa bansa.
Umabot sa critical level ang tubig sa Cagayan River matapos magbukas ng hanggang anim na gate ang Magat Dam sa Isabela at patuloy pa rin ang pag-ulan. —KG, GMA News