Patay ang isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac, matapos barilin ng isang pulis na kanilang nakaalitan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng video, makikitang yakap-yakap ni Sonya Gregorio, 52, ang anak na si Frank Anthony Gregorio, 25, na nakikipagtalo sa pulis na si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.

Sa kasagsagan ng away ay binaril ng pulis sa ulo ng tig-dalawang beses ang mag-ina.

"Right of way" daw ang pinag-ugatan ng away ng suspek at ng mga biktima.

Sumuko na sa Pangasinan si Nuezca, na napag-alamang naka-assign sa Parañaque Crime Laboratory at umuuwi lang sa Tarlac. Nai-turnover na siya sa Paniqui Police.

Sa panayam ng Unang Balita, sinabi ni Tarlac Police chief Lieutenant Colonel Noriel Rombaoa na "boga" ang pinagmulan ng away ng mga biktima at ng suspek, batay na rin sa salaysay ng isang saksi.

"Nagkaroon sila ng pagtatalo, and at that time naungkat yung matagal na nilang alitan tungkol sa right of way," ani Rombaoa.

Dagdag pa ni Rombaoa, nagsisisi ang suspek at handa itong humarap sa korte.

Nahaharap si Nuesca sa kasong double murder.

"Pini-prepare na namin yung pagsasampa sa kaniya ng double murder, so meron pa po kaming ibang kinukunan ng salaysay, dun sa mga witness para makuha natin yung mga kailangan sa pagsasampa ng kaso," ani Rombaoa.

Umapela naman si Rombaoa sa pamilya ng mga biktima na maging mahinahon at nangakong gagawin nila ang kanilang makakaya para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mag-ina. —KBK, GMA News