Ipinatawag ang isang lalaki sa Calasiao, Pangasinan matapos niyang sakalin at tadyakan umano ang isang 10-taong-gulang na bata na nangalkal daw sa loob ng kanilang bahay.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV Balitang Amianan, makikita sa kuha ng CCTV ang batang lalaki na hawak sa leeg at hila-hila ng kapitbahay umano nilang lalaki.
Ilang saglit pa, tinadyakan ng lalaki ang bata sa binti, at nahirapan itong tumayo sa lakas ng pagkakasipa sa kaniya.
"Masakit sa akin 'yun. Plano ko kasi, ipa-blotter 'yan para hindi na niya uulitin. Kasi kapag hindi ko gagawin ito, kakayanin kami. Alam niyo kasi sitwasyon namin, single mother ako," sabi ng inang si Lolit, hindi tunay na pangalan, taga-Barangay San Miguel.
Pinapunta na sa barangay ang lalaki, na tumangging magbigay ng pahayag sa GMA Regional TV Balitang Amianan.
"Nagkalkal daw sa loob ng bahay ['yung bata]. 'Yung bata kinaladkad palabas tapos parang tinadyakan pa sa paa," sabi ni Dante Layno, chairman ng Brgy. San Miguel, tungkol sa salaysay ng inirereklamong lalaki.
Itinanggi ng nanay ng biktima na may ginawang kasalanan ang anak.
Nag-iimbestiga na ang mga awtoridad sa ginawang pang-aabuso umano sa bata.
"Ito physical abuse kaya definitely magpu-fall ito sa Republic Act 7610 o 'yung batas na violation sa mga bata at kababaihan," sabi ni Police Lieutenant Colonel Ferdinand De Asis, hepe ng Calasiao Police Station.
Samantala, hindi pa nagbigay ng pahayag ang Municipal Social Welfare Development sa issue dahil wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo. -Jamil Santos/MDM, GMA News